“Naghiwalayan sa Barangay o Abogado? Alamin Kung Bakit Ilegal ang Private Separation Agreements”
Maraming mag-asawang Pilipino ang naniniwala na sapat na ang isang kasulatan ng paghihiwalay, lalo na kung ito ay nilagdaan sa barangay. Minsan makikita din natin sa mga teleserye na ang mag-asawa ay nagpipirmahan lang ng mga dokumento at hiwalay na sila. Kadalasan, tinatalakay sa dokumentong ito kung sino ang mananatili sa bahay, sino ang kukuha ng kustodiya ng mga anak, at paano hahatiin ang suporta. Ngunit gaano man kaseryoso ang intensyon, ang ganitong kasunduan ay walang bisa sa batas.
Hindi din natin masisi ang karamihan sapagkat mahal nga naman talaga ang pagsasampa ng Annulment/Declaration of Nullity sa Korte.
Bakit Ilegal Ito?
Ayon sa Family Code of the Philippines, tanging ang hukuman lamang ang may kapangyarihang magbuwag ng kasal. Ang pagkakahiwalay sa pamamagitan ng kasunduan ay walang legal na bisa, lalo na kung ito ay naglalaman ng:
Hati ng ari-arian (conjugal property),
Kustodiya ng mga anak,
Pagdeklara na hiwalay na ang mag-asawa,
Pagsusuko ng obligasyong magbigay ng suporta.
Doktrinang Legal
Doktrina ng Pampublikong Interes sa Kasal – Ang kasal ay hindi simpleng kontrata. Isa itong pampublikong institusyon na pinangangalagaan ng Estado. Anumang kasunduan na tumatangkang buwagin ito nang pribado ay kontra sa batas at moralidad.
“Ang kasunduang laban sa batas, moralidad, mabuting asal, kaayusan o pampublikong patakaran ay walang bisa.” – Artikulo 1306, Civil Code
Desisyon ng Korte Suprema
Sa kasong Albano v. Gapusan (A.M. No. 1022-MJ), binigyang-diin ng Korte na ang isang pribadong kasunduan sa pagitan ng mag-asawa ukol sa paghihiwalay at suporta ay walang legal na puwersa. Ang tanging may kapangyarihang magdesisyon sa ganitong usapin ay hukuman.
Mga Panganib ng Private Separation Agreement:
Peke ang seguridad – Akala ng mag-asawa, hindi na sila may pananagutan sa isa’t isa.
Walang bisa ang dokumento – Hindi ito kikilalanin ng korte.
Walang proteksyon sa mga anak – Dapat ay may pag-apruba ng hukuman ang kustodiya at suporta ng bata, hindi basta kasunduan lang ng magulang.
Ano ang Dapat Gawin?
Kumonsulta sa abogado – Maaaring angkop ang annulment, legal separation, o declaration of nullity.
Dumaan sa hukuman – Tanging ang korte ang may kapangyarihan sa legal na paghihiwalay.
Gamitin ang barangay bilang panimulang hakbang, ngunit hindi ito ang legal na wakas.
Konklusyon:
Ang kasunduan ng paghihiwalay na nilagdaan sa barangay ay maaaring magmukhang legal, ngunit sa mata ng batas, ito ay walang bisa. Kapag pamilya at legalidad ang pinag-uusapan, hindi sapat ang “usapan lang.”